Biyaheng Quiapo Papuntang Langit

25 01 2009
My first attempt at writing erotica. I still have a lot to learn.

——

Biyaheng Quiapo Papuntang Langit

Kagat-labing pinagpapantasyahan ni Mel ang diyosang halos kita na ang kaluluwa sa tuktok ng isang gusali sa tapat ng Quiapo Church. Simputi at singkinis ito ng iba pang mga nagrereyna-reynahan sa kahabaan ng mga kalsada sa Maynila. Silang mga diyosang nakabuyangyang ang katawan, nagpapaligsahan sa pang-aakit sa mga motorista.

Hanep sa katawan. Pamatay.

Kating-kati na si Mel na sibasibin ng halik ang nangingintab na labi ng babae, panggigilan ang utong na bumabakat sa bra nito, at dilaan ang puking nagtatago sa manipis na panty. Lalong sumidhi ang pagnanasa ni Mel nang kindatan siya ng mapang-akit na diyosa. Sa rurok ng kalibugan, kulang na lang ay akyatin ni Mel ang higanteng kuwadrado, magsalsal, at mantsahan ang “Bench” na nakatitik sa kuwadrado.

“Manong, anong petsa tayo lalarga? Kanina pa tayo nakaparada rito, a,” pagtataray ng baklang abot langit ang taas ng kilay. Parang sinabuyan ng tubig ang nagbabagang kaligayahan sa pagitan ng mga hita ni Mel.

Alas dose na pala. Maaga pa akong mamamasada mamaya.

Pinaharurot ni Mel ang kalawanganing jeep. Nakapinta Sa itaas ng windshield ang mga pangalang “Lengleng” at “Junjun” at sa tapalodo ay nakatitik ang “God Bless Our Way”. Nangungupas na ang pintura sa sahig ng jeep. Kulay dilaw ang nababakbak nang bubong, pula naman ang butas-butas nang upuan. Nanlilimahid na rin ang kurtina sa tabi ni Mel. Isang bahin lang, tiyak, bibigay na ang jeep.

“Please lang, marami pa akong pangarap sa buhay,” irap ng bakla nang paspasan ni Mel ang takbo ng sasakyan.

Walang imik si Mel. Nagmamadaling makauwi nang maihiga na ang katawang maghapong tinagtag ng biyahe. Kating-kati na rin siyang iligo ang mga libag na namuo sa singit-singit ng kanyang katawan dala ng pinagsama-samang usok, alikabok, at pawis. Kulang na lang ay lumipad siya pauwi nang maipagpag na ang kunsomisyong dulot ng makalusaw-pasensiyang trapiko, pasaway na motorista, at mga pasaherong walang konsepto ng pagbabayad.

“Para!”

Sa wakas, makakauwi na rin ako.

Tatanggalin na sana ni Mel ang signboard nang parahin siya ng dalawang babae sa ilalim ng overpass sa Delta. Naghintayan sila kung sino ang tatabi kay Mel at kung sino ang pupuwesto sa may bungad. Naupo sa tabi ni Mel ang may katangkaran ngunit payat na babae. Pilit namang isiniksik ng kanyang kasama ang malaking puwet nito sa upuan. Halos bumigay ang gulong ng jeep sa bigat ng babae.

Panakaw na hinagod ng tingin ni Mel ang katawan ng katabi. Napangiti siya nang mapansing may kaliitan ang suso nito. Di hamak na bubot kumpara sa nagmumurang suso ng mga modelong araw-araw niyang pinagbabatehan.

“Friend, mami-miss talaga kita. Wala na akong kakulitan sa shift natin. Alam mo ‘yon, ikaw lang ang nakakaharutan ko,” sabi ng dambuhalang babae habang nagkakalkal ng barya sa bag.

“Ha’mo, pag endo ka na rin, sabay tayong mag-aplay sa SM. Chika sa ‘kin ng pinsan ko, bukod sa mas maraming guwapo, mas malaki raw ang kita do’n.”

“Pustahan tayo, may kalyo na ang pisngi ng pinsan mo sa maghapong pagngiti sa mga kostumer. Si ate nga, matapos magtrabaho sa SM, ang mga ugat sa paa, diyosmiyo, puwede nang anihin at ilako sa palengke.”

Pangisi-ngisi si Mel habang pinakikinggan ang walang prenong kuwentuhan ng dalawang pasahero. Naranasan na rin kasi niyang magtrabaho sa isang department store. Hindi naman nangalyo ang pisngi niya sa kangingiti, napudpod lang ang lalamunan niya sa walang humpay na pagdedemo sa isang magic kutsilyo. Kutsilyong kayang humiwa ng prutas, karne, plastik, kahoy, semento, bakal, bato. Muntik na ring maputulan ng daliri si Mel nang mapagkamalan niyang okra ito. Dala ng matinding pagod. Nang ma-endo, ginamit niya ang jeep na iniwan ng kanyang kuyang nakipagsapalaran sa Dubai.

Tuloy ang dakdakan ng dalawang babae.

“Uy, kumusta na kayo ng boyfriend mong pinaglihi sa titi? Bati na ba uli kayo ng gagong ‘yun?” usisa ng babaeng nagmamantika na ang mabilog na mukha.

“Hayup siyang hindot siya, wala siyang kuwenta.”

“Dapat lang, ‘no. Kung ako rin ikaw, naku, hihiwalayan ko rin ‘yang hinayupak na ‘yan. Sa ayaw mo pang magpatira, e. ‘Yun lang talaga ang habol sa ‘yo ng gagong ‘yun.”

Hayup, birhen pa pala.

Napansin ni Mel na unti-unting umuusog palapit sa kanya ang katabi. Hanggang sa magdikit ang kanilang mga balikat. Muling nagningas ang libog sa katawan ni Mel. Bahagya siyang napa-aray nang mahatak ng sabik na sabik niyang titi ang makapal niyang bulbol. Sige pa rin sa pagratatat ang dalawang babae. Sumimple si Mel sa pagkambiyo kay manoy. Nahuli niyang nakatingin sa kanya ang katabi. Agad na inilabas ni Mel ang kamay sa basketball shorts. Pakiramdam niya, nahuli siyang nagsasalsal ng kanyang ina. Nginitian siya ng babae. Tulirung-tuliro si Mel.

Ayos, to. Jackpot ka, Mel.

Sa SM North bumaba ang babaeng sa isip-isip ni Mel ay refrigerator na dinamitan, sinapatusan, at minake-up-an.

Binagalan ni Mel ang pagpapatakbo sa sasakyan nang makasama pa nang matagal ang naiwang pasahero. Panayang sulyap niya sa babae. Nanginginig na tinanggal ni Mel ang signboard. Sasabog na ang kanyang dibdib sa sobrang pagnanasa. Bahagyang ibinuka ng babae ang kanyang mga hita. Nagmamantika na ang kanyang tigyawating mukha sa tindi ng init na nararamdaman.

Ipinusod ng babae ang kanyang buhok. Lumitaw ang mahaba at mabuto niyang leeg. Pinagpag niya ang alikabok sa blouse at in-adjust ang strap ng bra. Namungay ang singkit na mata ng babae at nginitian si Mel. Napalunok siya sa ginawa ng babae. Pinahid niya ng nanlilimahid na Good Morning towel ang pawis sa kanyang leeg.

Tangna, Mel, makaka-iskor ka.

Nataranta si Mel sa sumunod na ginawa ng dalaga. Walang kagatul-gatol na sinapo nito ang harapan ng lalaki. Pinisil niya ang kargada ng tuliro nang si Mel. Gumewang-gewang ang andar ng jeep.

Aligagang ipinarada ni Mel ang jeep sa isang madilim at di mataong sulok ng Visayas Avenue, sa tabi ng isang punong mas matanda pa sa kanyang mga ninuno. Walang inaksayang oras si Mel. Ipinasok niya ang namamawis niyang kamay at sabik na sabik na nilamas ang di kaumbukang suso ng babae. Gigil na kinurot ang utong.

“Aray naman, dahan-dahan lang.”

Hinubad ng babae ang blouse at bra. Hindi makapaniwala si Mel sa nangyayari. Nang mahubad ng babae ang dapat hubarin, nanlaki ang mga mata ni Mel. Agad niyang dinalahirot ng kanyang dila ang kambal ng dalaga. Parang sanggol si Mel na ilang buwang di pinasuso ng ina. Napakagat ng labi ang babae. Pumikit siya nang mariin at dinama ang kuryenteng (ilang boltahe rin) dulot ng paglalaro ng dila ni Mel.

“Ganyan lang. Ang sarap,” singhap ng babaeng mabaliw-baliw na sa sarap.

Lalong ginanahan sa kanyang ginagawa si Mel. Hinimas-himas niya ang hita ng babae. Inililis niya ang palda saka idinantay ang nanginginig na palad sa maumbok na puki ng babae. Napaungol nang malakas ang babae nang pagapangin ni Mel ang mga daliri sa loob ng magaspang na panty. Agad na hinanap ang basang-basa nang puki at hinimas ang tinggil. Hindi maipinta ang mukha ng babae sa langit na nadarama. Napalakas ang halinghing ng dalaga nang igiya ni Mel ang daliri sa hiwang kumikibut-kibot. Ibinuka niya ang kanyang mga hita at nagpaduyan sa ikapitong glorya.

“Aaaaaaa.” Umagos ang malagkit na likido mula sa kapirasong karne.

Humihingal na ibinaba ni Mel ang basketball shorts at ang basang-basang brief hanggang tuhod. Umigkas na parang spring ang titi ni Mel. Pigil sa pagtawa ang dalaga. Paano kasi, kung palakihan at patabaan ang labanan, kakain ng alikabok ang alaga ni Mel (pagtabihin ang pentel pen at lapis). Gayunpaman, matikas ito at parang sundalong handang sumabak sa digmaan sa Mindanao, sa Iraq, at maging sa Aprika.

Napakapit nang mariin sa manibela si Mel nang hagurin ng dila ng babae ang katawan ng kanyang titi at paglaruan ang ulo nito. Umunat ang kanyang binti at nanigas ang mga daliri sa paa. Muntik pang pulikatin. Sa pagkakataong ito, mas pipiliin pa ni Mel na makipagtalik na lang buong araw, jingle lang ang pahinga, kaysa mamasada maghapon at kumita nang kakarampot.

Hindi magkamayaw si Mel sa pag-iskrima ng babae sa kanyang kaselanan. Kung may paligsahan ng pagmumura, tiyak, panalo si Mel. Lahat na yata, minura na niya. “Tanginaaaaa!” “Putang amaaaaa!” “Tangna mo, Gloriaaaaa!” Maging ang mga pasaway na pasahero, mga kotong cop, baku-bakong kalsada, at mga santa santita sa Quiapo Church, minura ni Mel.

Pumatong ang babae sa kandungan ni Mel. Nagtataka ang lalaki sa ipinamamalas na agresyon ng babae, gayung kanina lang ay narinig niyang birhen pa ito. Pero walang pakialam si Mel. Para sa kanya, ke birhen o hindi, ayos lang, pekpek pa rin. Kulang man sa sampung paligo ang babaeng kajugjugan niya kumpara sa mga naggagandahang babae sa tuktok ng mga gusali, ayos lang para kay Mel. Kipay pa rin ‘yon.

Lalong naulol sa sarap si Mel nang gumiling ang babae. Nariyang sapuhin niya ang suso nito, lamutakin ang puwet, ipulupot ang mga kamay sa balakang nito, at sabunutan ang sarili. Kulang na lang ay kuyumin niya ang rosaryong nakasabit sa harap ng sasakyan. Napahiyaw si Mel nang pumulandit sa kaloob-looban ng dalaga ang tamod niya. Nalukot ang kanyang mukha. Kung sinu-sinong diyos ang minura ni Mel sa grasyang natanggap.Nagtakip ng kanyang tenga ang dibuho ni Santo Niño sa tagiliran ng jeep. Naeskandalo sa pinaggagagawa nina Mel.

Sa wakas, natapos ang sinimulan. Tuluy-tuloy, walang hadlang. Kabaligtaran sa sistemang kontraktuwal, putol-putol, ang nasimulan ay di natatapos. Kung puwede lang sanang anurin ng rumaragasang dagta ng dalawang nilalang ang problemang kinakaharap nila bilang mga aliping lublob sa balon ng paghihirap, gayung nagdurugo sa umagatanghaligabing pagkayod.

Lantang gulay si Mel matapos ang umaatikabong bakbakan. Nanginginig pa rin ang pagal na katawang kanina lang ay mayupi-yupi na sa pamimilipit. Tahimik namang nagbibihis ang babae. Nakanganga lang sa kanya si Mel. Nginitian siya ng dalaga.

“First time mo, ‘no?” tanong ng babae.

“Pareho lang tayo,” nahihiyang tugon ni Mel, hindi makatingin nang diretso sa babae.

“Hindi rin,” pilyang ngisi ng babae.

“Ha, ‘kala ko ba birhen ka pa? Narinig kong pinag-uusapan n’yo kanina.”

“A, ‘yon ba? ‘Yong boyfriend ko kasi, gusto akong kantutin sa puwet. E, ano ako, sira?”

Natulala si Mel sa tinuran ng babae. Hindi niya akalaing birhen sa puwet pala ang babae.

“300 na lang,” sabay hablot ng babae sa kaha at binilang ang perang pinaghirapang kayurin ni Mel sa pamamasada. “May discount na ‘yan. Mukha ka kasing mabait.” Agad ding isinoli ng babae ang kaha nang makuha ang kailangan.

Bagsak ang panga ni Mel hanggang hita.

“Sa ganitong panahon, kailangan kong mamukpok nang mamukpok. Giyera kung giyera,” isinuksok ng babae sa kanyang bag ang tatlong daang piso.

Napapakamot ng ulo si Mel habang nakatitig sa natitirang barya sa kaha.  

“O, siya, tara na. Baka maispatan pa tayo ng pulis, delikado,” sabi ng babaeng blangko ang mukha.

Nanlalatang pinalipad ni Mel ang karag-karag na jeep.





Pasakalye

6 01 2009
  

Isa sa mga huli kong short story bago ako tinamad magsulat ng kuwento. Last year pa ‘to.
——————————-
PASAKALYE

Uy, buti na lang nakita kita. Tara, mag-miryenda tayo sa tindahan. Sa’n ka ba nagsusuot at ilang araw na kitang di mahagilap? A, oo nga pala. O, tapos. Ay, dyuskupo, kawawa naman pala’ng amo mo. Mamamatay na nga yata. Talaga, sigaw nang sigaw? Mabuti at natagalan mo’ng pagbabantay. Kung ako ikaw, baka nabaliw na ako. ‘Yokong nakakarinig ng ganyang sigaw. Alam mo ‘yon, ‘yong tipong sasabog ang bungo mo sa tindi ng tili. Ramdam mo rin kung ano ang sakit na nararamdaman n’ya.

Parang no’ng binantayan ko si nanay sa ospital. Bata pa ako no’n. E, ako lang ang kasama ni nanay no’n. Ang tatay, ewan ko, di ko na maalala kung nasa’n siya no’n. Malamang naghahanting ng mauutangan. Ta’s ayan na. E, di dumating ang doktora at mga nars. Sabi ng doktora, maupo lang daw ako sa tabi. E, ako naman si masunuring bata, di naupo ako. Hinawakan ng isang nars ang balikat ni nanay. ‘Yong isa naman, hinawakan ang balakang n’ya. Halos bumaon ang mga daliri nila sa katawan ng nanay ko.


Pinatagilid nila si nanay. Nakatitig siya sa akin. Halos nakapikit, pero alam kong nakapako ang tingin n’ya sa akin. Nanginginig ang tuyot na labi at kumislap ang luhang ayaw n’yang ipakita kay tatay. Takot na takot siya sa mga taong nakaputi at sa mga metal at maliliit na boteng dala nila. Ayokong salubungin ang tingin ni nanay. Ha? Basta, ayoko. Nakakatakot. Kaya ‘yon, kung saan-saan gumala ang tingin ko. Sa alambreng buhok ng doktora, sa nunal na pasas sa ilong ng nars, sa nanlilimahid kong kuko, sa krus na halos nakatagilid na sa pagkakapako nito sa dingding. Basta, ‘yoko kasing nakikitang naghihirap ang nanay.

‘Yong doktora, pumuwesto sa likod ni nanay. Itinarak ang pagkahaba-habang iniksiyon. Halos bumagsak ang kisame sa tindi ng sigaw si nanay. Pinagmumura ang doktora sa sobrang sakit. Do’n ibinuhos ni nanay ang natitira pa n’yang lakas. Parang may kinakatay na baboy. Tinakpan ko ang tenga ko no’n at humarap na lang sa bintana. Halos mapipi ang tenga ko sa tindi ng pagkakatakip. Wa epek. Nanlambot ang buto’t laman ko sa pagsisisigaw at pagmumura ni nanay. Ramdam na ramdam ko rin ang pagtibok ng ugat sa noo ko. Pati ang puso ko, dugdug… dugdug… dugdug… Alam mo ‘yon? Di ko talaga makayanan kaya tumakbo na lang ako palabas. Pagbukas ko ng pinto, nasalubong ko si kamatayan at ang nangingintab n’yang kalawit. Iyak ako nang iyak sa labas ng ospital. Tahimik na ang kuwarto pagbalik ko.

Kaya nga naawa ako sa amo mo ngayon, e. Hmmm… Nar’yan na ba lahat ng mga kamag-anak nila? Ang kapal din naman ng mukha ng asawa ni madam, ‘no? Matapos siyang ipagpalit sa isang mabantot na pokpok, ayan at nakabantay sa naghihingalong asawa. Gusto yatang madaliin ang pag-akyat ni madam sa langit.

A, oo nga, naaalala ko pa no’ng magkaroon ng giyera d’yan sa inyo. Di ko kinaya’ng eksena. ‘Kala ko, sa pelikula lang nangyayari ang gano’n. Si madam, parang asong ulol na hinabol ng kutsilyo ang aligagang kerida. Itong si kerida naman, nakabuyangyang ang retokadang susong nagtatatakbo hanggang sa may kanto. Siyempre, lumuwa ang mga mata ng mga tambay. Kung nagkataong nahuli si kerida, sigurado ‘ko, chop-chop lady ang labas n’ya. Popcorn na lang talaga ang kulang at parang nanood na rin kami ng sine.

Ang kapal din naman kasi ng mukha, magkakangkangan na lang, sa kuwarto pa mismo ni madam. Di ba? Puwede namang sa motel na lang. Sa Sogo, maganda raw do’n. O kaya sa Tawi-Tawi na lang o sa Sierra Madre. O sa’n mang lupalop ng daigdig. Basta do’n sa lugar na di sila mahuhuli. Tama. Sana, nag-Hong Kong o Singapore na lang sila.

‘Yong lalaki naman, siya na nga ang namangka sa dalawang pekpek, siya pa ang may ganang pagsasampalin si madam. May pagkamartir din kasi ‘tong si madam, ‘no? Kung ako sa kanya, puputulin ko’ng ari ng halimaw. Ako, ‘pag nag-asawa ako’t nahuli kong nambababae ang asawa ko, naku, magtago na sila ng babae niya sa puwertang pinanggalingan nila. Kahit sa’ng sulok ng impiyerno, susundan at susundan ko sila.

A, nar’yan na rin pala ‘yong panganay nila. Kala ko ba hanggang ngayon magkaaway pa rin sila ni madam? Tagal na ring di umuuwi ‘yan, a. Mag-iisang taon na, ‘no? Ito naman kasing si madam, ewan ko ba, may pagkalukaret din. Alak sa umaga, alak sa tanghali, alak sa gabi. – ‘Te, pabili nga ng Coke, ‘yong taglilimang piso. Dalawa. ‘Wag mo nang iplastik. Dito na lang namin iinumin. ‘Te, magkano ‘yong ano, ‘yong nasa tabi ng monay? Hindi, hindi ‘yan. ‘Yong katabi n’yan. Si ‘Te talaga, may katarata na yata. ‘Yan. ‘Yan. Magkano ‘yan? Lista muna ha. – O, libre ko na ‘to. ‘Yong utang mo sa akin, saka mo na bayaran ‘pag marami ka nang pera

Tapos? ‘Yong bunsong anak, dumating na rin? Alam mo, crush ko talaga ‘yong tisoy na ‘yon. ‘Pag niligawan ako no’n, kahit ano, ibibigay ko. Isanla ko man ang buong Pilipinas. Sanamapangasawa ko siya balang araw. Magiging masaya kami, sigurado ‘ko. Siyempre, ‘pag namatay na si madam, malaki ang makukuha n’yang mana. Magpapakasal kami sa, sa’n na nga ba yun, kung saan kinasal sina Aga at Charlene? Hindi do’n. Basta, sa ano yata. Basta, sa malaking-malaking simbahan. Magpapatahi ako ng magandang-magandang gown. ‘Yong mahaba ang buntot para mas sosyal. Imbitado kayong lahat sa kasal namin. Ta’s sa Amerika kami gagawa ng baby. Ta’s maninirahan kami sa bahay nila sa Bohol. Ta’s magnenegosyo kami hanggang sa yumaman nang yumaman nang yumaman. Ang saya, ‘no?

May sasabihin pala ako sa ‘yo. Ay, mamaya na lang pala. Basta, wala ‘yon. ‘Wag kang makulit, mamaya na nga.

Balita ko, nililigawan ka raw ni ano, ni…ano’ng pangalan n’ya? Umamin ka. Gaga, walang nakakalusot na sikreto sa akin, ‘no. Kuwento ka, bilis. ‘Wag kang mahiya. Nagkangkangan na ba kayo? Sige na, kwento ka. Pramis, di ‘to makakalabas sa iba. Atin-atin lang ‘to.

Ayyyyy! Talaga? Loka-loka ka talaga. Ginawa mo ‘yon? – Te, narinig mo yun? Humahada pala ‘tong si lukaret. – Grabe ka talaga. Kunwari tahimik, pero sumusubo rin pala ang santa. Ayyyyy! Ganun talaga’ng lasa no’n. ‘Yong sa jowa ko, maalat-alat din. O, tapos. Malaki ba? Sus, ngayon pa raw nahiya. Sige na. Ayyyyy! Talaga? Naku, e di wakwak ang pekpek mo?

Ha? Walang dyug? Hina mo naman. Dapat nagpadyug ka. Hala ka, baka magkakanser ka tulad ni madam. Tingnan mo, ilang milenyong walang titing naglabas-masok sa pekpek n’ya, ‘yan tuloy, kanser ang inabot. Oo, ganun daw ‘yon sabi sa komiks na nabasa ko. ‘Yong ibang mga madre nga, gumagamit daw ng talong. – ‘Te, bago lang kayo rito? No’ng isang hapon lang kita nakita. A, pinsan ka ni Ate Ditas? - Kaya habang may panahon pa, magpakangkang ka na rin nang di pamugaran ng uod ang matris mo.

E, di ‘wag kang maniwala. Bahala ka. Mahal ka d’yan. Gano’n ba ‘yon? Porke ba mahal mo ang isang tao, di ka na makikipagdyugdyugan sa kanya? Ang tanong, ikaw ba, mahal din n’ya? Talaga lang, ha. Pa’no mo naman nasabi? Gano’n lang talaga’ng mga lalaki. Sasabihin kung ano’ng gusto mo’ng marinig. ‘Yong jowa ko nga, lagi niyang sinasabing mahal daw niya ako, pero di ako naniniwala talaga.

Si bakla ba ‘yon? Oo nga, balikat pa lang, siyang-siya na. Aba, ang mahadera, nagmamaganda. –Hoy, bakla! ‘Yong utang mo bayaran mo na. Leche kang puta ka, ilang linggo na ‘yon, a. Umupa ka lang ng lalaking tsutsupain, e. Nagpatira ka na naman sa mga tambay d’yan sa kanto, ‘no? Pakialam mo kung balahura’ng bunganga ko. Kahit bastos ‘to, at least mabango, di tulad ng sa ‘yo, amoy bulok na tamod. Yak! O sige, basta bayaran mo ako bukas, ha. Kumusta mo ko sa nanay mo. Bakla, sabihin mo, magluto uli ng binagoongan. – Sarap talagang asarin ng baklang ‘yon. Okey lang ‘yon, gano’n lang talaga kaming mag-asaran.

Suwerte nila ng nanay n’ya, no? Mababait ang mga amo. Tingnan mo si bakla, pinag-aaral. Gradweyting na sa hasykul. Pagne-nursing-in din daw yata s’ya. Sa’n ka pa. At ang ganda kaya ng kuwarto nila. Oo, maluwang talaga. Tsaka presko. Nakita ko no’ng nagpunta ako do’n no’ng isang linggo. Sama ka sa ‘kin minsan, dalawin natin si bakla. At bukod sa marami silang panahon para magpahinga at mamasyal, mas malaki raw ang kinikita nila kesa sa atin. Leche, ‘yong sa akin nga, halos di na ‘ko makapagpadala sa Ilokos. – Wen manang, Ilokano ak met. Burgos ak. Sika ngay? Nagasideg gayamWen ngarud.

May lakad ka ba bukas? Punta tayo sa Cubao, nagpapabili kasi ng pantalon ang kuya ko. Maghahanap na naman daw ng trabaho. Kainis nga, e. Nabawasan na naman ipon ko. Natapos na kasi ‘yong dati n’yang trabaho sa konstraksyon. E, alam mo naman do’n, di ka talaga makakaipon. Kaya ‘yon, naghahanap na naman ng bagong mapapasukan. Sabi ko nga, mag-aplay na lang bilang janitor o gasoline boy. At least do’n, hindi masyadong delikado at permanente pa. E, sa konstraksiyon, kung di man siya mabagsakan ng mga kahoy o hollow blocks, baka ikamatay n’ya ang sobrang paglanghap ng mga alikabok.

Ano, tara. Nood tayo ng sine bukas. Tagal na rin nating di lumalabas. May maganda bang palabas ngayon? Ikaw, ano ba gusto mo? Ayoko ng bakbakan ha. Sumasakit ang ulo ko do’n. Sayang lang ang pera natin. Ay, alam ko na! Panoorin natin ‘yong kay Sam at Toni. Sige na. Nakakakilig ‘yon sigurado. Sobrang cute kaya ni Sam. Tsaka bagay talaga sila ni Toni.

Tara, isama rin natin ‘yong bagong katulong sa amin. Ay, di mo pa ba alam? ‘Kaw kasi, tagal mong di nagparamdam. No’ng isang linggo lang siya dumating.  Bagong salta siya rito sa Maynila, galing Leyte. No’ng unang gabi n’ya, iyak siya nang iyak. Muntik ko nang tarayan kasi ayokong nakakarinig ng mga atungal. Alam mo ‘yan, nanggigigil talaga ako sa mga ganyan. Pero hinayaan ko na lang. E, mukang nami-miss ang pamilya. Batang-bata pa kasi. Katorse. Naawa ako sa kanya kasi ganyang edad din ako no’ng una akong nagpunta dito. Halos gabi-gabi rin akong di makatulog sa kaiiyak. Inabot yata ako ng isang buwan bago nakapag-adyas. Ikaw rin naman, di ba? No’ng unang dating mo rito, pulang-pula ang mga mata mo ‘pag nagkikita tayo. Sabagay. Sanayan lang din yan. Ako nga, magwawalong taon na dito sa Maynila. Kinaya ko naman lahat. Ang sumuko, talo.

Ano, tuloy tayo bukas, ha. Walang atrasan. Nar’yan naman na’ng mga anak ni madam, sila na muna’ng mag-aalaga sa kanya. Magsama ka na rin ng iba para mas masaya. Si malanding Puring, gusto ko siya. Nagkakasundo talaga kami. Masayang kasama. Tsaka pareho kaming madaldal. No’ng minsang nagpunta kami sa Cubao, grabe talaga, ansakit ng tiyan ko sa katatawa. Komedyante rin ‘tong babaeng ‘to, ‘no? Ngek, wala raw siyang pera?

Ba’t kaya ganun, ‘no? Di na matapos-tapos ang paghingi sa ‘tin. ‘Te, pantalon. Anak, may sakit ako, kahit pambili lang ng gamot. Ninang, bertdey ko. Insan, pautang naman. Pati kaibigan ng kaibigan ng pamilya ko, nanghihingi ng kung anu-ano. Ano ako, donyang nahihiga sa diyamante? Gaga, di ako madamot, ‘no. Nagbibigay kaya ako sa kanila. Nakakainis lang talaga na walang natitira sa akin. ‘Kaw, ‘wag mong sabihing di ka naiirita pag pinupuntahan ka ng tatay at mga kapatid mo dito para manghingi ng pera. Eto pa, saktong sa katapusan saka nila tayo dinadalaw. Alam mo ‘yon? ‘Pag malapit na’ng suwelduhan, ayan na, ihanda na’ng bulsa. Kaya nga minsan, parang gusto kong magtago.

May dumaan na anghel. Ako, may problema? Ba’t mo naman nasabi? Wala ‘yon. Basta. Wala akong problema. May iniisip lang ako kaya ako natahimik. Ano ka ba, okey lang ako ‘no. ‘Wag mo ‘kong aalahanin.

Ikaw raw ang paborito ni madam? Sabi ni Puring. Suwerte mo, paborito ka. Malay mo, may makukuha ka palang mana. Kahit isang alahas lang ang ipamana sa ‘yo, okey na ‘yon. Sanasumipsip ka no’ng nalaman mong malapit na siyang mamatay. Dapat ipinapakita mong magaling at mabait at mapagkakatiwalaan ka. Para maisama ka sa, anong tawag do’n, last will… Oo, ‘yon nga. Pordyosporsanto ka d’yan. Malay mo naman, pamamanahan ka talaga. Ba’t ‘yong ibang mga katulong sa TV, nabibigyan ng mana?

‘Langyang jowa ko, nagteks na naman. Loko-loko talaga ‘tong unggoy na ‘to. Sabi: “Bakit mo ako binitin kung kailan kainitan at basambasa ako? – SINAMPAY.” Andami ko kayang natatanggap na ganitong teks. Pasahan kita mamaya, pag nagka-load na ‘ko. Eto, pinadala sa ‘kin kagabi. Di ko maintindihan, e. Sabi: “Time is gold and so are we. But only God can make a tree. Japan,Japan, sagot sa kahirapan. Land of the Rising Sun. Now as we sleep tight, don’t let the bed bugs bite. Remember to Just Always Pray at Night – Japan!” Di mo rin maintindihan? Ang labo, ‘no? Mukhang tanga.

Nakakabagot naman. Buti pinayagan kang lumabas. Mababaliw talaga ako ‘pag nasa loob lang. – ‘Te, eto’ng bote. Tsaka dalawang mamon na rin. Napanan na gayam ni Manang Ditas? Nagadayo met. Anya ti araramiden na idiay Masbate? A, kasdiay gayam. Kaano kano ti subli na? – Mamon, o. Ayaw mo? Ewan ko, bigla akong nagutom. Di kasi ako nakakain nang maayos kaninang umaga. Nagsusuka ako, e.

Uy, may sasabihin ako sa ‘yo. Pero sikreto lang natin to, ha. ‘Pag ipinagkalat mo sa iba, sasabunutan kita hanggang matuklap ang anit mo. Tatalupan din kita nang buhay ‘pag nagdaldal ka. Pramis? Pramis yan, ha. Papakulam talaga kita ‘pag idinaldal mo sa iba. Lika rito, baka marinig tayo ni ate.

Di ko sinabi sa ‘yo, pero, naaalala mo no’ng nag-bidyo-oke tayo sa bahay? No’ng wala sina mam at ser. Pagkaalis mo, dumating si ser. Lasing. Nasa kusina ako no’n. Lumapit sa akin. ‘Kala ko may iuutos lang. Nagulat ako no’ng yakapin n’ya ako. Kinabahan talaga ako no’n. Muntik na akong mapasigaw nang pisilin n’ya ang puwet ko. Tinakpan n’ya ang bibig ko. Nanlaban talaga ako, pero malakas talaga si ser. Sa tanda n’yang ‘yon, nagulat ako kasi ang lakas-lakas talaga n’ya. Natumba ako sa sahig. Ta’s pumatong siya sa akin. Ta’s ‘yon na. Sabi n’ya, ‘wag daw akong magsusumbong kahit kanino. Papatayin daw talaga n’ya ako ‘pag may nakaalam na iba. Seryoso s’ya.

Okey lang ako. Nasanay na rin. No’ng una, siyempre, naubos ang luha ko sa kaiiyak. Sino ba naman ang matutuwa na nireyp ka. Balak ko talagang isumbong si ser kay mam. Kaya lang, natatakot din kasi ako kay mam. Sa ugali n’yang ‘yon, baka kasi siya pa ang unang makapatay sa akin.

Pero, isang-isa na lang talaga, lalabanan ko na talaga si ser. Sisiguraduhin kong hinding-hindi na uli n’ya ako magagalaw. Magkamatayan man. Hoy, ‘wag mo nga akong titigan nang ganyan. Parang ako pa’ng lumalabas na kriminal, a. Isa na lang talaga, mapapatay ko’ng hayup na ‘yon. Kahit makulong pa ‘ko. Lintik siya.

Uy, sige, alis na ‘ko.  Mamamalantsa pa ako. 
  

 

 





Otis

9 12 2008

dsc04255-0011Otis ang tawag sa akin ng ilang kaibigan. Autistic. Mahilig kasi akong tumunganga. Gumagawa ng sariling mundo. Hindi naman ‘yong tipong tunganga ng isang taong tanga – ‘yong tipong nanlalaki ang mga mata at nilalangaw ang bungangang nakanganga. Hindi gano’n. Ako ‘yong tipong bigla na lang tatahimik sa gitna ng paglalaro at mauupo sa isang sulok. Maraming kaibigan nga ang naiinis sa akin. Gano’n talaga, ‘pag tinopak ako, walang warning, nawawalan ako ng interest na makipag-usap. Sa pagtunganga ko, mukhang blangko ang mukha ko. Pero ang totoo n’yan, ang likot-likot ng isip ko. Lumilipad kung saan-saan.

Minsan, nakakarating ako sa Antarctica, nakikipaghabulan sa mga penguin. Ang sarap magpadausdos sa yelo. Nakakapunta rin ako sa Africa. Do’n, sumasama ako sa mga Ashanti sa pagtatanim ng mga patatas at mais. ‘Pag nagpupunta ako sa Europe, di puwedeng di ko daanan ang Spain at France. Sa Spain, nagpapahabol ako sa mga toro. Sa France, inaakyat ko ang EiffelTower. Kung gusto ko naman ng adventure, nanghuhuli ako ng anaconda sa sulok-sulok ng Amazon at umaakyat sa tuktok ng Mount Everest.


‘Pag nakatunganga ako, nakakapag-time travel din ako. Paborito ko ‘yong panahon ng mga dinosaur. Adventure talagang makipaghabulan sa mga T-Rex. Siyempre, di ako nagpapahuli sa kanila. Magaling akong magtago. ‘Yoko ngang magkalasug-lasog ang katawan ko. Lagi rin akong nagpupunta sa panahon nina Adan at Eba. Gusto ko kasing makita kung pa’nong kinagat ni Eba ang mansanas. Ang ahas na nang-akit, hindi ko mahuli-huli dahil masyadong mabilis. Lagi rin ako sa ancient Egypt. Naaawa ako sa mga trabahador na gumagawa ng mga pyramid. Parang ako ang nabibigatan sa mga pinagbububuhat nila.

Madalas din akong tumunganga para bumuo ng love story. O porno. Pero ‘wag na tayong tumuloy diyan at masisira lang ang tono ng sinusulat ko.

Gumagawa ako ng sariling mundo. Minsan, humahagikhik akong parang isa sa mga duwende ni Snow White, sumisimangot tulad ng pagsimangot ng mga taong Yanomani na nakikita ko sa National Geographic, nagugutom tulad ng mga batang lumolobo ang ulo at tiyan sa Africa, at nagsusungit na para bang isang emperor sa China na di nasunod ang kagustuhan. Sinasamahan ko ang mga ‘yan ng mga monologue. Kung hindi sa Ilokano, sa Filipino o sa Ingles. ‘Pag tinotopak, nag i-Intsik-Intsikan, German-Germanan, at French-Frenchan ako.

‘Yon. Masarap magpaka-otis.




Wawa Pala, Ha

8 12 2008

 

 

‘Pag tinatanong ako kung ano’ng childhood moment ang hinding-hindi ko malilimutan, lagi kong sinasabi ‘yong araw na nag-roaring rampage of revenge ako a la “Kill Bill.”
Ganito’ng nangyari:
May nakaaway akong kalaro. Bida-bidahan kasi ako dati. Kelangan, ako lagi ang star ‘pag naglalaro kami. Kelangan, ako ang lider. Ako ang nagdidikta kung ano ang lalaruin, kung sino ang bida’t kontrabida, kung sino ang mamamatay kunwari, kung sino ang bati namin, at kung sino ang hindi.
E, biglang nagrebelde ang mga kalaro ko. Napuno na yata sa kasusunod sa mga utos ko. Sabi nila, di na raw nila ako bati.
Pinagkaisahan ako.  Parang kudeta.
‘Pag sinabing “di ka namin bati”, ay, seryoso talaga ‘yan. Kahit mga bata pa ang nagsabi. ‘Pag sinabihan ka ng ganyan, outcast ka. Di ka puwedeng sumali sa mga laro, sumama sa mga lakad, pumunta sa bahay o bakuran ng mga kalaro.
In other words, blacklisted ka.
E, ang mga bata, umiikot ang mundo sa mga kalaro at sa paglalaro. Imagine na lang kung ga’no kahirap para sa akin ang mapagsabihan ng “di ka na namin bati.”
Pero ang mga bata, gagawa at gagawa ng paraan para mapalapit uli sa mga nakaaway/inaway na kalaro. Kahit ilang beses na nila akong takbuhan, kahit maiyak na ako ‘pag naiiwan sa takbuhan dahil “ang mahuli, may tae sa puwet”, lagi pa rin akong bumubuntot sa kanila. Kahit na iniinggit nila ako sa paglalaro ng agawan base o sa pagkain ng santol na ninakaw nila sa bakuran ni Nana Milagring, ayos lang. Basta, kelangang maging bati na uli nila ako.
Pero ang lahat ay may hangganan. Kahit ang bata, napupuno rin. At kung maghiganti, umasa kang HIGANTI talaga.
No’ng mapikon ako sa away namin ng pinsan kong si PJ, binuhusan ko ng buhangin ang loob ng bahay nila. Isa pang pinsan, si Kuya Ontong, inasar ako nang inasar. Siyempre, di ako patatalo. Tinulisan ko ang mga kuko ko at kinalmot siya sa leeg. Si Irma, ‘yong kaklase ko, itinago ko ang sapatos dahil tinalo ako sa tumbang preso. Ayun, sinampal ako ng ate niya.
E, di napuno ako. Ayaw kasi akong paakyatin sa puno ng santol ng mga kalaro ko. Mahilig kasi ako sa santol. Wala sa akin ang ngilo-ngilo ‘pag kumakain na ng santol. Pati nga buto, nilulunon ko rin. Kaya hirap ako minsan sa pagtae.
Sinubukan kong umakyat ng puno, pero binato nila ako ng buto ng santol sabay asar ng: “Huhuhu. Wawa naman ang bata. Iiyak na ang bata.” E, ayaw na ayaw kong ginagano’n ako. Pinagbababato ko rin sila. Pero magaling silang umiwas. Mga expert ba naman sa larong touch ball.
“Waaaa. Ang bata, duling.”
Duling  pala, ha.
Pinuntahan ko ang tae ng kalabaw na nilaro ko bago sila nagsiakyatan sa puno. Sariwang-sariwa pa. May mga nakatusok na tingting. Kunwari, mga kandila. Kumuha ako ng kahoy at sinandok ang tae. Pinahid ko ito sa pinaka-katawan ng puno ng santol. Para akong nagpintura ng poste ng kuryente.
Umusok ang ilong sa galit ng mga kalaro ko. Tawa ako nang tawa. Kawawa pala, ha?
“Si Nana Milagring!”
Tarantang nagsibabaan ang mga kalaro ko. Takot na mahuli at mapalo ng may pagka-BellaFlores na si Nana Milagring. Ang iba’y tumalon na lang mula sa pinakamababang sanga ng puno para di mapahiran ng tae ng kalabaw. Ang ibang di kayang tumalon, no choice sila, dumausdos sila sa katawan ng puno. Umiyak ang ilan dahil sa takot sa matanda at dahil sa taeng kumapit sa katawan nila.
Ilang araw lang, back to normal na uli. Naibalik sa puwesto ang kinudetang lider. Di na uli nila ako sinabihan ng “di ka na namin bati.” Takot lang nila.




My Wonderful Magnificent Sensational Marvelous and Super Beloved Landlady

26 11 2008

 

65 years old. Hindi pumapalya sa pag-A-Ama Namin araw-araw. Always present sa mga misa (front seat pa) at laging bida sa mga charity mission ng simbahan. Ipinangangalandakan ang pagiging Kristiyano. Big time kung magbigay ng abuloy sa simbahan. Pumapalakpak ang tenga kapag nakakarinig ng mga papuri. Napapa-sign of the Cross at hesusmaryosep kapag nakakapanood ng mga kissing scene sa pelikula at telebisyon o nakakakita ng mga kabataang naglalambutsingan sa kalye. Pinamemewangan at nginingiwian ang mga taong imoral. Puwede nang i-appoint bilang MTRCB Chair.
Di pangkaraniwan ang laki ng tengang nag-evolve para sa matinding pangangailangang makasagap ng latest tsismis: “’Wag na ‘wag kang lalapit diyan sa kapitbahay mong matandang dalaga. Sinasabi ko sa ‘yo, exhibisionist ‘yan.” “’Wag mong kakausapin ‘yang pulis sa tabi ng unit mo. May topak ‘yan. Galing mental.” Parang guardia civil sa tindi ng pagpapatrol sa personal na buhay ng mga tenant. Nirerespeto raw ang privacy ng mga nangungupahan, pero alam na ilang buwan nang hindi nagkakantutan ang mag-asawang tenant na araw-araw kung magyarian dati. O kung ano ang kulay ng panty at brief ng mga tenant. Daig pa ng reyna ng tsismis ang NBI sa pangangalap ng mga ebidensiya. Walang sinabi si Gossip Girl.
Halimaw pa sa halimaw sa paniningil ng renta sa bahay. Kahit piso, hindi pinapatawad. Business is business daw. Perfect ang laki at tabas ng bunganga para sa walang katapusang pagbunganga at pagdaldal. Amoy bagong gising ang hininga. Knocked out ang mga tenant kapag kinakausap, lalo na kung halos madikit na sa ilong ang bungangang 70% gilagid, 20% pustiso, at 10% ngipin. Lalong-lalo na kung bumubulwak ang panis na laway.
Buhay pa, pero inuuod na. Amoy lupang sumisingaw ng alimuom. Halos di na mabuhat ng sakang na mga paa ang katawang hugis hamburger at mga brasong magiging sanhi ng tsunami kapag hinampas sa Ilog Pasig. May lahing Intsik. Walang anak. Under the saya ang asawa.
Ang mata at tenga ng apartment.




Si Potpot. My Alter Ego.

24 11 2008

27 years old. Galing sa isang may-kaya at politikong angkan sa isang probinsiya sa Northern Luzon. Congressman ang ama at mayor naman ang ina. Naglayas at nagsarili sa Manila pagka-graduate ng high school. Hindi nakatiis sa panghihimasok ng mga magulang sa mga desisyon sa buhay.

Nagtapos ng journalism sa UP Diliman. Magna cum Laude. Inulan ng offer mula sa mga bigating TV network at diyaryo, pero mas piniling magsulat para sa Tambok, isa sa mga pinakamabentang tabloid sa Manila. Naka-assign sa pagko-cover ng mga bugbugan/sabunutang magkakapitbahay, raid sa mga bahay-kantutan, at mga balitang saksakan at barilan (personal favorite ang crime of passion). Naging mainit sa mata ng isang congressman nang ibunyag ang pambabahay nito sa isang pokpok na nauwi sa isang masabaw at maiskandalong hiwalayang mag-asawa. Controversial din ang isinulat tungkol sa pambubugaw ni Manager-slash-Mama San kay Rising Star sa Tatlong Hari ng Pork Barrel sa kongreso.  Pangarap na mapabilang sa Palanca Hall of Fame at maging National Artist for Literature bago mamatay.

Hindi conscious sa hitsura at pananamit. Walang iwiniwisik na pabango sa katawan at ipinapahid na Eskinol at moisturizer sa mukha. Tubig at sabon, ayos na. Nagpakalbo para tipid sa shampoo. Kinakati at nahahatsing sa mga kaek-ekan ng mga lalaking umaasang maging katulad ng mga modelong hindi naman talaga tao sa mga billboard at magazine. Kung ano ang unang mahablot sa cabinet, iyon ang isinusuot – madalas ay manipis at preskong damit at pantalon na hindi mapang-api sa bayag. Mas komportable sa tsinelas. Namamaltos ang mga paa sa sapatos. Nalulukot ang mukha kapag sinasabihang kamukha ni Gardo Versoza. Ayaw na ayaw na na-a-associate kay Machete.

Nagsosolo sa isang studio-type apartment sa Manila. Ayaw nang may kasamang iba sa bahay. Ayaw nang nakikisama at pinakikisamahan. Ayaw magpasakop sa batas ng iba sa loob ng bahay. Ayaw na ayaw na nakikipagkuwentuhan sa landlady na si Michay, ang buhay na patunay sa kasabihang “may tenga ang lupa, may pakpak ang balita.” Nagwo-world tour ang kaluluwa kapag nagsimula na ang walang katapusang pagratatat ni Her Majesty of Tsismis tungkol sa langit at impiyerno.

Expert sa pagtatago ng emosyon. Kunwari malungkot, pero masaya deep inside. Kunwari naaaliw, pero nangangati nang mandukot ng mata. Hindi mahilig sa mga confrontation scene. Pero pumipitik din minsan kapag nakakanti. Nag-iisip muna nang mabuti bago magsalita kaya madalas napagkakamalang slow mag-isip ng marami. Pinag-iinitan ang Wow Magic Sing sa bahay kapag masama ang loob (paniwalang-paniwalang kalebel si Gary V. sa kantahan, pero ang totoo ay kaboses ng mga lasenggerong gabi-gabing nambubulahaw ng baranggay).

[Censored ang tungkol sa sex life.]

Malapit nang tumigil sa paninigarilyo. Takot matulad sa kasamahan sa trabahong nasunog ang baga at natigok. Nagpasyang pupunuin na lang ng upos ng Marlboro Lights ang isang long neck na Emperador (nangangalahati na).

Dating tibak. Hindi kumain nang dalawang araw kasama ang ilang magsasaka sa harap ng DAR para ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka. Kasamang lumusob sa US Embassy at sa mga kompanya ng langis. Minsan nang makulong nang ilang oras nang magkagulo sa rally para suportahan ang mga empleyado ng Manila Hotel. Pero hindi na ngayon aktibo. Ayaw sabihin kung bakit.

All-time favorite ang “The Fountainhead” ni Ayn Rand, kahit hindi matunaw ng tiyan ang mga idea ng babaeng numero unong tagapagsulong ng individualism at capitalism. Hanggang ngayon, dini-diyos pa rin ang Eraserheads. Lantaran ang pagka-adik sa mga telenobela / telesine / teleserye / sineserye / fantaserye / soap opera / sinenobela / chinovela. Ayaw na pinakikialaman ng mga bisita ang Akira Kurosawa at Alfred Hitchcock na hinalukay pa sa Quiapo, salamat sa magigiting na pirata. Nanonood ng Wowowee at Eat Bulaga kapag gustong inisin ang sarili.

Fan ni Angel Locsin. 




Madugo ang Maging Bata

6 11 2008

Masarap maging bata. First of all, di ka namomroblema kung sa’n maghahanap ng lunggang pagtataguan ‘pag naririnig mo na ang mga yabag ng landlady na humihithit-buga ng pera. O kung pa’nong di maiyak sa mga love song matapos ang isang “Gusto ko nang mamatay” na breakup. Ang problema mo lang ay kung pa’no malu-Lupa ang kalarong daig pa’ng butiki sa pagkakadikit sa pader habang naglalaro ng Langit-Lupa o kung pa’nong di mahuli sa takbuhan para di maasar na may tae sa puwet.
On the other hand, madugo ang maging bata. Di dahil kelangan mong tulungan ang nanay mong magtupi ng butas-butas na brief ng tatay mo o dahil kelangan mong matulog sa hapon para tumangkad kahit na kating-kati ka nang maligo sa ilog at magputik sa bukid kasama ang mga ever-energetic na kalaro o dahil sa mga tito’t titang clueless na child abuse ang pagpupuwersa sa ‘yong mag- “O Captain! My captain!” sa harap nila.
Di ‘yon. Madugo ang maging bata dahil, well, literal na sumisirit/dumadanak/umaagos talaga ang dugo.
Flashback (ca. late 1980s – early 1990s)
Isa ako sa mga pinakapilyo sa klase no’ng elementary. E, paborito namin ‘yong itaas ang palda ng mga kaklase para makita kung ano’ng kulay ng panty ng mga girl. Si Precious Mae Kalabaw, ang isa sa mga napagdiskitahan namin, hinabol namin kasi ayaw magpahuli. E, nadapa siya. Sumalpok ang nguso sa kongkretong pader. Siyempre natakot kami kasi tumugudog talaga nang makipag-head on collision siya sa pader. Tumayo si Precious Mae. Humarap sa amin. Basag ang labi at duguan ang baba. Iniluwa niya sa palad ang dalawang ngipin. Mangiyak-ngiyak siyang napangiti.
Usung-uso sa amin no’ng Grade Two ang baragan ng lapis. ‘Pag recess at ‘pag ubos na namin ang champoradong nakaplastik na ibinebenta ng mga suma-sideline na teacher, ayan, baragan time na. E, natalo ‘tong si Ryan Jay na pikon. Ayun, sinaksak ng lapis sa pisngi ang bumarag sa Monggol # 2 niya. Si Rene Grace (Si Rene Grace nga ba? O si Bemma Jane?), ‘yong singer ng klase na kumakanta sa Bombo Radyo Isabela. Parang naghilamos ng pulang pintura ang kawawang bata. Kinahapunan, sinampal si Ryan Jay ng matabang nanay ni Rene Grace. Putok ang labi ng kawawang bata.
Ito, walang inolved na dugo. A. meron pala. Malamang internal hemorrhage. Grabe talaga ‘to. Si Mary Ann, ‘yong star player ng Chinese garter sa school. Ang haba ng legs nito at ipinanganak yata para tumalon ng mataas. Siya ang undisputed Chinese garter queen. Kahit na ilang higher pa ‘yan, sisiw lang sa kanya. Pero, ang sabi nga, nobody’s perfect. Ayun, isang maling bagsak, putol ang buto sa braso. Matindi. Parang buntot ng bakang lumaylay ang kamay niya. Sabi ng iba, lumabas daw ang ilang bahagi ng buto niya. OA na ‘yon. Sinabi lang ‘yon ng mga kaklaseng gustong may maibidang kuwento sa kani-kanilang bahay.
Siyempre may bloody experiences din naman ako kahit pa’no. Di yata ‘to magpapatalo. ‘Pag nakikita ko sa salamin o nahihimas ang ibabang bahagi ng lower lip ko, naaalala ko ‘yong araw na naligo kami ng mga kalaro sa ilog. Meron kasing isang puno do’n na pinaglulundagan namin. Suwerte mo ‘pag sa tubig ka bumagsak. Malas mo kung sa batuhan ka dumaplak. E, malas ako no’ng araw na yun. Ayun, isa akong karneng sumalpok sa batuhan. Di lang nagdugo ang nguso ko’t nabungalan, ilang linggo rin akong di nakaligo sa ilog.
Napilas din ang balat ko sa singit. Naglalaro kami no’n ng Agawan Base. E, ako ang tagabantay sa base. Para di maagaw ng kalaban ang base, kelangan mong bantayan ‘to with all your life. So nilimliman ko siya para di maagaw. Itong pinsan kong si Kuya Ian, barubal kung maglaro. Walang sinasanto. Parang ‘yong mga badboy sa basketball at American football. Alam na nga niyang nakaupo ako sa batong base namin, ayun, nag-slide pa rin para madikit ang paa dito. E, dahil nakaupo nga ako do’n, ayun sapul ang bata kong singit. Natuklap ang balat. Bad trip lang kasi isang linggo rin akong nakabukaka. Mabuti na lang at di nasapul si birdie. Lagot ang kinabukasan ko if ever.
Isa sa mga pinakagrabeng nangyari sa akin ‘yong matuklap ang ilang bahagi ng anit ko nang sumabit sa barb wire. Hinahabol kasi ako ng asar-talo kong kuya, si Kuya James. Di ‘yon nagpapatalo sa mga laro. At lagot ka ‘pag tinalo mo siya sa sipa o ‘pag naubos mo ang teks niya. E, minsan tinalo ko siya at naubos ang ang de-kulay niyang mga holen, salamat sa pandaraya ko. Ako pa naman ‘yong sobrang lakas mang-asar. Kinantahan ko siya ng “Waaah. Kawawang bata. Talo ang bata.” Ayun, hinabol niya ako. Tawa ako nang tawa dahil ako ang kuneho at siya ang pagong sa habulan. Nang biglang parang may kumutos sa ulo ko. Napahinto ako at si Kuya. Hinimas ko ang ulo ko. Umagos ang dugo sa noo ko. Hindi ako makaiyak no’ng una dahil di naman masakit. Pero no’ng nakita ko ang ilang hibla ng buhok sa barb wire, ayun, nagtatatakbo ako sa bahay at sinumbong si Kuya. Ilang hampas ng walis tingting sa puwet ang inabot ni Kuya James.
Bumabaha talaga ng dugo ‘pag bata ka. Nar’yang makatapak ka ng basag na bote, yerong pakalat-kalat, o kalawanging pako. Nar’yang tamaan ng lumilipad na piraso ng kahoy ang noo mo habang naglalaro ng siyato. O tamaan ng pako ng trumpo ang paa mo. O madapa at magasgas ang tuhod at braso sa kagustuhang mahabol ang kalarong nagpasyang di ka na “bati.” Of course, nar’yan din ang kinatatakutan ng mga batang lalaki – ang matuli sa pamamagitan ng pukpok o sa doktor – at ang unang reglang iniiyakan ng maraming batang babae.
Walang sinabi ang mga Japanese gory film at mga bayolenteng online games kumpara sa madugo at bayolenteng kabataan. Lalo na kung winawarat ng mga demonyong nakatatanda ang kanilang kamusmusan.




Isang Gabi sa Quezon Avenue

25 09 2008

Sa wakas, uwian na. Para akong bombang malapit nang sumabog paglabas ko sa opisina. Namamanhid ang magkabilang pisngi ko at sige sa pagpintig ang sentido ko. Nanginginig ang labi ko at pakiramdam ko’y may naglalarong kuryente sa anit ko. Pinahid ko ang mamasa-masang mata dahil sa maghapong pakikipagbuno sa electromagnetic field na mula sa monitor ng computer.

Isang malalim na buntung-hininga. Isinuot ko ang berdeng baseball cap at tumakbo palayo sa opisina.

Bumuti-buti ang pakiramdam ko habang humihithit ng Marlboro Lights at sinisipa-sipa ang isang maliit na bato sa Roxas District papuntang Quezon Avenue. No’ng una’y masaya akong nakikipaglaro rito. Pero napangiwi ako nang makita ko sa bato ang mukha ng taong matagal ko nang isinusuka. Itinigil ko ang pagsipa. Pinulot ko ang bato at itinapon sa kanal. Nagsindi pa ako ng isa pang yosi.

Sa di kalayuan ay ang isang grupo ng mga asong nag-uulol na sa libog. Nag-uunahan ang mga lalaking makapatong sa babaeng walang konsepto ng quality control. Ang dudugyot at galisin pa ang mga lalaki. May ilang mga tuta ring nang-iistorbo sa ginagawa ng mga matatanda. Tumigil ako sa paglalakad. Takot akong makagat uli ng aso.

Dumudugdug-dugdug man ang puso ko, itinuloy ko ang paglakad palapit sa mga aso. Umangil ang ilan nang nasa tapat na nila ako. Binagalan ko ang paglakad. Halos mawalan ako ng hininga. Kinagat ko ang dila ko at bumulong ng: “Saint Roque, your dog.” Ito ang payo sa akin ng lola ko, para raw di habulin at kagatin ng aso.

Nanlambot ang mga tuhod ko nang makalampas sa mga aso. Sinundan ako ng mga tuta at kinahulan. “Diyos ko po,” bulong ko sa sarili, “patahimikin po Ninyo ang mga lintik na tutang ‘to.” Hindi dininig ng Diyos ang panalangin ko. Kinailangan ko pang maghagis ng Skyflakes para lang tantanan na ako ng mga tuta. Langya, parang mga kongresistang naambunan ng pork barrel.

Madilim na nang marating ko ang Quezon Avenue. Sa tapat ng Pegasus ako nag-abang ng masasakyang jeep papuntang Unibersidad ng Pilipinas. Sa isang paupahan kasi sa likod ng isang dormitoryo roon ako tumutuloy.

Nagsindi ng ilaw ang Pegasus, ang paraiso ng mga matatandang lalaking isinusuka na ang puki’t suso ng kanilang mga asawa, mga politikong naghahanap ng maibabahay, mga lalaking nuknukan ng pangit, mga kagagaling sa trabaho na gustong mag-hapi-hapi, mga kabataang di makontrol ang pagwawala ng kanilang testosterone, at mga manager na nang-i-scout ng pasisikating starlet.

Ibinabandera sa billboard ng KTV bar ang mga babaeng mukhang sinabuyan ng balde-baldeng tubig. “Raging Wet”, ang sabi sa billboard. Napako rito ang tingin ng mamang malapit sa akin. Namumungay na mga mata – di ko alam kung inaantok lang lang o nakainom. Naging bato siya matapos makipagtitigan sa mga babae ng Pegasus. Putik, tinamaan din yata ako ng alindog ng mga babaeng naka-display.

Inilabas ko ang kaha ng Marlboro Lights mula sa bulsa ng sling bag ko. Naku naman, saka pa ako naubusan ng yosi. Tiyempo namang may dumaan na isang takatak boy. Takatak takatak takatak. Naglalaway akong naghanap ng yosi. Ubos na raw ang Marlboro Lights. “Sige, ‘yong pula na lang,” sabi ko kahit di naman talaga ako nagyoyosi ng pula. Sinindihan ko ang yosi at halos mangalahati ito sa isang hithitan.

Nagsimula nang magdatingan ang mga bida sa KTV bar. Abot-tenga ang ngiti ng mga guwardiya at bouncer habang sinasalubong ang mga babaeng maya-maya lang ay rarampa na sa entablado nang nakahubad. Todo make-up ang mga ito. Paiklian ng palda. Pahapitan ng pang-itaas. Pagandahan. Parang mga sasali sa Miss Baranggay. Para akong napapalibutan ng iba’t ibang prutas: may amoy mansanas, may amoy strawberry, may amoy cherry, may amoy guyabano. Pero meron din namang amoy luya. Ang mamang naging bato, amoy chico. Ngayon, alam ko na. Ke aga namang naglasing nito.

Magkakalahating oras na akong nakatayo sa tapat ng Pegasus. Namimintig na ang mga daliri ko sa paa. Kumukururog na ang tiyan ko. Di pa kasi ako nanananghalian. Kung nakabubusog lang sana ang pagkain ng usok at alikabok, idagdag pa ang ilang galong laway na nalunok ko na, sigurado akong bundat na ako. Tulad ng mamang traffic enforcer sa di kalayuan na di magkanda-ugaga sa pagtitiket sa mga motorista.

Kating-kati na ang mga paa kong makauwi. Konti na lang kasi at sasabog na ang ulo ko dahil sa matinding pressure sa opisina, sa isang small-time na kompanya pero big-time kung kumabig ng kita. Maraming salamat sa mga kliyenteng foreigner na tinatamad o wala lang talagang panahon sa pagsusulat ng kanilang mga term paper. Walang binatbat ang paghihintay ni juan Tamad na mahulog ang bayabas sa kanyang bibig.

Online researcher-slash-writer. ‘Yan ang trabaho ko. Ito ‘yong tipong pinasusulat ako nang kung anu-ano tungkol sa business management, marketing, sports, media studies, social sciences, at arts. Di lang ‘yan, ibinabato rin sa akin ang ilang paksa tungkol sa pedagogy, trligion, logistics, information technology, total quality management, at finance. Eto’ng pamatay: Kung kakayanin, gumagawa rin ako ng statistical analysis at sumasagot ng mga problem set sa math, physics, at chemistry. Sisiw, Art Studies lang naman ang tinapos ko sa kolehiyo.

Cut. Paste. Rephrase. Cite. Mag-yosi kasama si Manong Guard. Cut. Paste. Rephrease. Cite. Lumaklak ng kapeng 3-in-1. Cut. Paste. Rephrase. Cite. Ipahinga ang nagdurugong utak at ang namamagang mga daliri. Cut. Paste. Rephrase. Cite. Mag-surf nang porno sa Internet. Ito ang routine ko sa buong maghapon. Nakakabobo.

Pumikit ako nang mariin at napabuntung-hininga. Iniisip na, kinabukasan, balik alipin na naman ako sa opisina. Makita ko na naman ang pagmumukha ng boss kong lukot ang mukha tuwing araw ng sahod. Ang boss kong mas mataray pa kay Celia Rodriguez. Ang boss kong walang alam sa employee motivation. Ang boss kong tax evader. Ang boss kong nagpasarap no’ng isang linggo sa States na nakipagsigawan para sa manok niyang si Svetlana Kuznetsova sa US Open Tennis Championship. Kaya nga gigil na gigil akong itinapon sa kanal ang bato kanina.

Sutsot ng puso kong malapit nang bumigay: “Hoy, kung ayaw mo sa ginagawa mo, ‘wag ka nang babalik sa opisina.” Hirit naman ng pagod ko nang utak: “Ang renta sa bahay, pambayad sa tubig, kuryente, cable, telepono, labada. Ang pambili ng pagkain, libro, yosi, damit na pamporma.”

Tama, konting tiis muna.

Anak ng pating! Ang engot ko. Kaya naman pala wala akong masakyan, sa maling lugar ako pumuwesto. Sa Jollibee sa kanto ng Roces ang sakayan ng jeep papuntang UP. Dalawang kanto ang layo sa Pegasus. Kinabahan ako. Nitong huli kasi, lagi akong nawawala sa sarili. Para akong matandang may sakit na Alzheimer. Nagsisimula na yatang bumigay ang utak ko dahil sa stress. Baka dahil sa sobrang gutom kaya di ko namalayan na nasa maling lugar pala ako. O, baka kinukulang lang talaga ako sa sex.

Sinimulan ko ang paglalakad papuntang Roces. Nakakailang hakbang pa lang ako palayo sa Pegasus, malapit sa billboard ng “Jesus Loves Us”, nang may mamang kumalabit sa akin. Lumingon ako. Ang payat niya, simpayat ni Palito. Parang ‘yong kalansay na naka-display sa science room namin no’ng high school. Tinanong ako kung may nakita akong lalaking nakaberdeng baseball cap.

Ako,” sabay turo sa suot kong sumbrero. Grabe naman ‘tong mamang ‘to, kalansay na nga, color blind pa.

Hinahabol daw nila ang lalaking nakaberdeng sumbrero dahil nang-snatch ng cell phone. Nanlisik ang mga mata ko. Aba, aba, pagbibintangan pa yata ako. Mukhang snatcher ba ako? Sabagay, kanina pa kasi nakakunot ang noo ko at mukhang di mapakali.

Hindi naman sa pinagbibintangan kita, pero parang ikaw ‘yong snatcher,” sabi ng mamang tingting. Naku naman, hindi ba pagbibintang ‘yon? Ano’ng tawag do’n?

Hindi ho ako ‘yon. Kahit itanong n’yo pa sa mga guwardiya sa Pegasus. Kanina pa ho ako nakatayo do’n,” matigas kong sagot.

Tumalikod ako. Bukod sa gusto ko nang makauwi at nang magkalaman na ang kumakalam kong sikmura, ayokong masangkot sa gulo. Pinigilan ako ng mama. Naramdaman ko ang mga malalamig at mabubuto niyang daliri sa kanang balikat ko. Lintik. Hinarap ko siya.

Hindi ho talaga ako ‘yon,” naiirita kong sabi sa kanya.

Sigurado ka?” maangas niyang tanong.

Akmang tatalikuran ko na ang mamang di ko masiguro kung buhay ba talaga o bangkay na nabuhay lang nang may lumapit na isa pang mama. Maumbok ang dibdib nito at parang may sariling buhay ang mga masel sa braso. Balbas-sarado. Wow, nandito lang pala sa Pilipinas si Chuck Norris. Tiyak, magtititili sa tindi ng excitement ang nanay ko pag nakita ang mamang ‘to. Tinanong ako kung ano’ng problema.

Pinagbibintangan ho kasi akong nang-snatch. Hindi ho talaga. Kahit itanong pa ho ninyo sa mga tao,” sabay turo sa dalawang ale at isang mamang nag-aabang ng masasakyan.

Sigurado ka?” sabi ng kamukha ng bida sa “Missing in Action”.

Langya, iba na yata ‘to.

Inisa-isa ko sa kanila ang mga nangyari sa akin mula sa paglabas ko sa opisina hanggang sa pag-abang ko ng masasakyan sa tapat ng Pegasus.

Pinanlakihan ako ng mata ni Palito, “Gago ka, ‘wag mo kaming sinasagot-sagot, ha.” Ang sarap tusukin ng barbecue stick ang nandidilat niyang mga mata. Hindi niya ako masisindak sa mga gano’n-gano’n lang.

Magkaiba ho ang pagpapaliwanag sa pagsasagot-sagot,” matapang kong sagot kay palito. Sabi nga nila, sa mga panahong napaliligiran ng masasamang loob, ‘wag na ‘wag magpapakita ng takot.

Walang anu-anong kinaldag ako ni Chuck Norris. Bumalandra ang likod ko sa mabutong dibdib ni Palito. Sigurado akong may nabaling buto sa dibdib ng mamang patpatin. Di ko alam ang problema ng dalawang ‘to, pero sigurado ako, matindi ang galit nila sa mundo. Nawalan ng trabaho? Kinaliwa ni misis? Namatayan ng kamag-anak? Naubusan ng pambili no beer at yosi? Nakapanggigigil lang na pati ako idinadamay nila sa problema nila.

Muntik ko nang maihian ang pantalon ko sa sobrang nerbiyos. Di hamak na mas nakakatakot ang dalawang halimaw na ‘to kesa sa multo ng lola kong nakita kong nakasabit sa sampayan ng mga damit.

Ilabas mo’ng cell phone na ninakaw mo,” pilit ni Palito.

Hindi ho talaga ako snatcher,” pagmamatigas ko. Talo ko pa ang sirang plaka sa paulit-ulit kong pagtanggi sa bintang nila.

Tangna mo, di mo ilalabas? Gusto mong mabaranggay? Ako’ng kapitan dito,” pagyayabang ni Chuck Norris. Buong angas na hinimas-himas ang kanyang balbas.

May ID ho kayo? Sa’ng baranggay ho kayo? Baka ho kasi niloloko n’yo ako. At hindi ho yata ganyan umasta ang mga kapitan.” Patay. Di ko alam kung bakit ‘yon ang lumabas sa bibig. Hinanda ko ang sarili. Hinihintay ang matinding sapok ni Chuck Norris.

Gago kang putang ina mong hayup kang hindot ka. Sasagot-sagot ka pang gago ka,” ang malutong na mura ni Chuck Norris. Hanep, napagsama niya sa isang pangungusap ang mga salitang di ko narinig na sinabi sa akin ng mga magulang ko.

Saludo ako sa kanya. Gayunpaman, namula ang tenga ko sa matinding galit, gigil, at takot.

“’Wag mo kaming niloloko ha. Patingin ng cell phone,” atat na sabi ni Palito.

Ayokong ilabas ang cell phone ko dahil sigurado akong isa ‘tong modus operandi. ‘Pag nilabas ko ‘yon, sasabihin nilang ‘yon nga ang ninakaw na cell phone. Bibigyan nila ako ng dalawang pagpipilian. Kung papalag ako, palalabasin nilang magnanakaw ako. Kung mananahimik ako at sasama sa kanila, makakaiwas ako sa isang malaking iskandalo. Siyempre, pipiliin ko ang huli. Takot yata akong makuyog ng taong bayan, tulad ng mga ipinapalabas sa mga panggabing balita. Pagkatapos, dadalhin nila ako kunwari sa baranggay hall. Pero, ang totoo n’yan, sa madilim na lugar nila ako ipupunta. Doon na nila kukunin ang cell phone na ilang buwan kong pinag-ipunan. Malamang, lilimasin din nila ang laman ng pitaka kong pamasahe at panghapunan lang ang laman.

Puwede rin namang manlaban ako. Kung tutuusin, kayang-kaya kong pataubin si Palito. Isang pitik lang, tiyak, tatalsik siya hanggang Delta. Bagamat aminado akong mahihirapan akong labanan ang hininga niyang mabaho pa sa utot ko. Si Chuck Norris, na umuusok na ang ilong, ang kinatatakutan ko. Baka kasi magpakawala ng isang pamatay na roundhouse kick. Sa tangkad at masel pa lang, natutunaw na ako sa takot. Mahirap talagang maging maliit.

Hinanap ko ang traffic enforcer na malaki ang tiyan. Baka sakaling mahingan ko ng tulong. Malas, wala na siya. Naka-quota na siguro. Nilingon-lingon ko rin ang paligid para hanapin ang mga kamera, baka kasi wina-Wow Mali lang ako.

Naiinis ako sa sarili dahil di ko magawang umalis sa kinatatayuan. Dala siguro ng nerbiyos. Puwede namang tumakbo na lang ako at humingi ng saklolo sa mga tao sa paligid. A, malamang di rin naman nila ako tutulungan. Pustahan. Kanina pa ako minumura at dinuduro-duro ng dalawang mama, pero wala silang nakikita.

Ganito din no’ng nasa Grade 3 ako. No’ng bibili ako ng ulam malapit sa eskuwelahan. May nakasalubong akong isang pulutong ng mga asong di mapigil ang panggigigil. Napagkamalan yata akong kaagaw, kaya ‘yon, kumaripas ako ng takbo at hinabol ng kalbong aso. Nahulog ako sa kanal. Hindi pa man ako nakakabangon, pinagkakagat-kagat na ng aso ang likod ko. Sigaw ako nang sigaw no’n. Wala ni isang sumaklolo. ‘Yong tinderang pagbibilhan ko sana ng ulam, di man lang binugaw ang aso. Pagkatapos, pinagalitan pa ako ng nanay ko dahil ayokong sabihin kung ano ang nangyari sa akin.

Akin na’ng cell phone mo,” pasigaw na sabi ni Chuck Norris. Pilit niyang kinukuha ang sling bag ko.

Lagi-lagi akong pinaaalahanan ng tatay ko na ‘wag daw manlaban sa mga masasamang loob. Baka raw magripuhan ako sa tagiliran kung magmamatigas ako. ‘Yon din ang payo ko sa mga kaibigan. Katangahan nga namang ipagpalit ang sariling buhay sa cell phone. Tulad ng nangyari sa boyfriend ng roommate ng kaklase ng kaibigan ko.

Pero, gano’n pala ‘yon. Ngayong ako na ang nasa sitwasyong ginigipit ng mga taong nabubuhay sa pang-aagaw ng cell phone nang may cell phone, gusto kong magmatigas at lumaban. Kahit pa ma-headline ako sa mga tabloid kinabukasan. Ito na nga yata ‘yong sinasabi nilang survival of the fittest. Kailangang matalo ko ang mga ungas na ‘to. Nai-imagine ko tuloy, pa’no na lang ang susunod na henerasyon kung ang mga katulad nila ang maghahari sa mundo? Patay tayo d’yan.

Tarantadong ‘to,” pilit na binubuksan ng sidekick ni Chuck Norris ang zipper ng bag ko.

Hinigpitan ko ang kapit sa bag habang hinaharang ang pananapok nina Chuck Norris at Palito. Nakatingin lang sa amin ang mga tao. Ang aleng hinayupak, nakuha pang magtext. Malamang, ibinabalita niya sa asawa ang nasasaksihan. Puwede rin namang nakikipagchikahan lang sa amiga, o nagda-download ng mga balitang showbiz.

Nag-ala Hulk Hogan ako. Buong lakas kong itinulak si Chuck Norris. Di ko malaman kung paano ko nagawa ‘yon o kung saan nanggaling ang lakas ko. Basta ang alam ko, kailangan kong makawala sa kanila bago pa man ako magulpi nang todo. Napaatras si Chuck Norris. Di nakapalag sa ginawa ko. Napanganga lang si Palito.

Sinamantala ko ang pagkagulat ng dalawang latak sa lipunan. Tumakbo ako palayo sa kanila. Hinabol nila ako. Di ko alam kung instict ba na kinakagat ko ang dila ko at umuusal ng “Saint Roque, your dog” habang kumakaripas ng takbo. Nililingon-lingon ko sila para matantiya kung maabutan nila ako. Pinagtitinginan ako ng mga tao. Pakiramdam ko tuloy, ako ‘yong bida do’n sa pelikulang black-and-white na napanood ko. Siya na nga ang ninakawan ng bisikleta, siya pa ang hinabol ng tao. Hinihintay ko na lang din na kuyugin ako ng madla. Awa ng Diyos, hindi naman. Sa wakas, tinantanan ako nina Chuck Norris at Palito sa kanto ng Roces.

Pero hindi ako tumigil sa pagtakbo. Tumakbo ako nang tumakbo nang tumakbo. Walang kapaguran.





Raket

5 05 2008

Ilang taon na rin pala akong nabubuhay sa paraket-raket lang. Nakakapagod, pero pinagti-tiyagaan ko na lang. Ok na ‘yon, kesa naman maburyong ako sa kauulit ng “Hi, how may I help you” o “Thank you for calling” sa call center. Bukod sa matigas pa sa bato ang dila ko, madaling magpanting ang tenga ko. Baka ma-putang ina ko lang ang mga tatanga-tangang kostumer. ‘Wag na. ‘Yoko nung napaliligiran ako ng mga hilaw na Inglisero’t Inglisera. Baka pagpuputul-putulin ko’ng mga dila nila. ‘Yoko rin ‘yong de-numero ang bawat kilos. ‘Yong segu-segundo, minomonitor ka ng supervisor. ‘Yong pati pag-ihi, inoorasan. Ayokong maging robot. ‘Wag na, uy.

Basta, napapaso ako sa opisina kaya hindi ako tumatanggap ng mga trabahong ikukulong ako sa kahong de-aircon. Siguro, kung tatanggap ako ng permanenteng trabaho (aba, parang ang trabaho ang lumalapit sa akin, a), baka ‘yong pagiging guro. Sabagay, pamilya naman kami ng mg guro. Si kuya, high school teacher. Si mama, sa elementary. Si Tita Aura, principal sa St. Joseph sa Cabanatuan. Si Tita Fe, assistant principal sa Vocational sa Isabela. Si Tito Ely, nagtuturo sa Sultan Kudarat. Si Tita Nanet at mga pinsan kong sina Ate Karen, Ate Grace, Ate Donna, Angie, mga guro rin.

Pero iba na’ng uso ngayon. Kung hindi call center, nursing. Si Girlie, ‘yong kaibigan ko no’ng college, graduate ng Pol Sci sa UP. Pero kumuha ng nursing. Nasa States na ngayon, kasama ‘yong napangasawang pinoy na nurse. Si Kuya Mark, orgmate/dormmate/classmate/provincemate/inomate (kainuman, ang corny) ko, nag-nursing sa Fatima. E, graduate kaya ng Public Administration sa UP ang mokong na ‘yon. Balita ko, nasa ibang bansa na rin siya ngayon. Sina April, Andrea, at Sheila, mga pinsan ko, malapit na ring lumipad papuntang States. E, di maganda, sama-sama sila ng tita kong ilang dekada nang nurse do’n.

Muntik na nga rin akong kumuha ng nursing dati. Gusto ko kasing nagsusuot ng puti. Parang ang linis-linis tingnan. Tsaka nagmumukhang guwapo talaga ‘pag nakasuot ng puti. Pero nasusuka ako ‘pag iniisip ko ang pagtalsik ng dugo sa puting tela. Di ko kaya. A, ewan. Baka nga maging guro rin ako, eventually. ‘Yon nga lang, medyo may pagka-antisocial ako. Di bagay sa isang guro. Sabagay, kung sa UP nga, maraming gurong antisocial. Puwede rin siguro akong magturo. ‘Wag lang akong pagtindahin ng sopas o ice candy o tocino.

Maliban sa niraraket ko ngayon, may iba pa akong pinagkakaabalahan. Nagsusulat din ako ng horror stories at freelance reporter sa isang monthly business magazine. P1,500 per article ang bayaran. Ang baba, ‘no? Ayos lang, gusto ko lang kasing nakikita ang pangalan ko sa magazine. Medyo nakakainis lang ‘pag dinidiktahan ng editor kung pa’no ako magsulat. ‘Yong huling sinulat ko, tungkol sa agricultural export ng China, ang boring daw. Dapat daw, gan’to. Dapat daw, ganyan. Ang lead, gawing mas creative. Ang mga sentence, mahahaba. Ang mga heading, lagyan ng kuwela. Nauubos daw ang oras niya sa pag-eedit ng article ko. Buti na lang di kami magkaharap no’ng sinabi n’ya sa ‘kin ‘yon. Baka napugutan ko siya kung saka-sakali. Editor lang siya. Kung wala kaming nagsusulat, wala siyang ie-edit. Wala siyang trabaho.

Bakit nga ba tungkol sa mga raket ko ang sinusulat ko ngayon? Wala lang, di ko pa kasi ako binabayaran do’n sa huling tinrabaho ko.