Ang mga Poor sa Mata ng Vogue India. Kamowns!

2 09 2008
Kung sino man ang nakaisip nito…
Controversial ngayon ang editorial spread ng August issue ng Vogue India kung saan kino-convey ang message na ang fashion ay hindi lang para sa mga sosyalero’t sosyalerang fasyon-fasyonan, kundi para rin sa mga taong six feet under na sa mga utang. Kumusta naman ‘yong makakakita ka ng larawan ng batang mula sa isang mahirap na pamilya na nakasuot ng Fendi bib worth $100? O ng nakayapak na mamang nagmo-model ng $200 Burberry umbrella? O ng babaeng nakasakay sa motor at nakatraditional Indian dress na may hawak na Hermès Birkin bag worth more than $10,000?

Sabi ng editor ng Vogue India, “fashion is no longer a rich man’s privilege. Anyone can carry it off and make it look beautiful.” At ‘wag daw masyadong seryosohin ang mga larawan.

Seryoso, “anyone can carry it off”? E, hello. Halos katumbas kaya ng isang buwang suweldo (o higit pa) ang presyo ng mga designer something na ‘yan. Sa bansa kung saan pilit pinagkakasya ang $1.25 sa isang araw para mabuhay? Kung saan in na in ang pagkakamatay para makatakas sa utang? Seriously? Regaluhan ko kaya ng isang orgy ng sampal ang editor na ‘yan. At I’m sure, ni hindi nila nahahawakan ang mga ganyang superluxury items. Malamang, ipagtatabuyan na sila bago pa man makapasok sa shop.

Kung sa tingin ng Vogue ay naiaangat nila ang imahe ng mga nahihirap sa India sa pamamagitan ng pagkuha sa kanila ng mga larawan habang hawak/suot ang mga bagay na simbolo ng kapangyarihan, aba, nagkakamali sila. Lalo pa ngang nababansot ang sektor ng mahihirap. C’mon. Ni hindi nga pinangalanan ang mga taong object ng larawan. Pero kung sikat na personalidad ‘yan, I’m sure, all-caps pa ang pangalan sa caption.

Sa kabilang banda, puwede rin namang tingnan ang mga larawan bilang komentaryo sa rich-poor gap sa India at sa iba pang mga bansang developing at underdeveloped. Napaka-powerful ng juxtaposition. Puwede rin naman itong tanawin bilang komentaryo sa pag-usbong ng consumerist society sa India. O sa mala-halimaw na epekto ng globalisasyon. Pero ang mga larawang ‘to ay makikita sa Vogue. Ano ba ang purpose ng magasing tulad nito? Go figure.

Ewan, pero naaawa ako sa mga taong kunuhanan ng larawan at sa mga taong nirerepresent nila.





Bili Bili Bili

12 06 2008

Bago ako umuwi kanina, dumaan muna ako sa Eunilane para bumili ng Milo. Naubos ko kasi kagabi sa kapapapak. ‘Yun lang talaga ang balak kong bilhin. Pero ang totoo niyan, nangangayayat na ang pitaka ko, kaya gustuhin ko mang kumuha ng shopping cart at paapawin ito ng kaluhuan, ‘wag na.

Pauwi na ako nang maisipan kong dumaan sa palengke at bumili ng mansanas. Nagdalawang-isip ako nung una. Kasi nga, wala sa budget at ilang araw na lang ang itatagal ng pera ko. Pero sabi ko, ok lang, para naman ‘to sa kalusugan ko (humahanap talaga ng dahilan. hahaha). Kumuha ako ng isa. Dinagdagan ko pa ng isa. At dalawa pang orange. At limang piraso ng mais na ilalaga ko bukas.

Lakad lakad lakad. Parating na ang ulan.

Andoks. Lechon manok. Tangina, napalunok ako. Tumigil ako sa tapat at kagat-labing initigan ang mga nabingintab na manok. Pakiramdam ko, ako ’yung isa sa mga batang pulubing naglalaway sa chicken joy. ‘Yung mga batang kumakatok sa Jollibee. Ayun. E di bumili ako ng isang lechon manok. Jumbo. Idinahilan ko na lang sa sarili na ngayon na lang uli ako makakakain nito. Paminsan-minsan, kelangan ko namang i-reward ang sarili.

Bago ako nakauwi sa bahay, dumaan pa ako sa bakery. Ubos na nga rin pala ang supply ko ng tinapay. Bumili ako ng Gardenia at Lily’s peanut butter na, I’m sure, mapapapak ko overnight. Bumili rin ako ng 1.5 litrong Sprite. Masarap na panulak sa Andoks lechon manok.

——-

Sabi sa balita, di na raw basta-basta bumibili ng kung anu-ano ang mga mamimili ngayon. Kung dati raw, binibili kung ano ang gusto, ngayon, di na raw. Dahil daw sa di matigil na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.