Talent Portion

January 12, 2013

Talent Portion

Ganito’ng eksena kapag Pasko, Bagong Taon, family reunion, birthday, barangay harvest festival, pasayaw sa community center with dahon ng niyog sa set design, o kahit na anong espesyal na pagtitipon noong bata ako:

Kelangan kong mag-declaim, tumula, kumanta, o sumayaw (cue in: shake body body dancer, shake body body dancer, shake body body dancer in the night) para maaliw ang audience. Kelangan ko ring lumunok ng buhay na manok, magbalat ng niyog gamit ang siko, at mag-dive mula sa bubong ng bahay (3.8 degree of difficulty: reverse 2 ½ somersaults with 2 ½ twists in pike) for better audience impact. Joke lang. Pero kung kakayanin ko, ipapagawa sa akin ang mga ‘yan.

Kung mag-iinarte, matinding mulagat lang ni Mama ang katapat at performance level na ako. Kung papalag, ako na ang pinakamasamang bata sa mata ng mga kamag-anak. Pinagbibigyan ko lang sila dahil kay Papa (makikita naman sa larawan kung gaano siya ka-proud sa akin).

My point is, sikat ako noon sa amin.

//


E Kasi, Bata

December 13, 2009

Mga gustong-gusto kong ginagawa noong bata ako:

1. Pitik-pitikin ang lawlaw na balat sa braso ni Inang (lola ko).

2. Mahiga sa katreng kahoy ni Lolo Kanor at makinig ng panghapong drama sa Bombo Radyo o DZRH, o magbasa ng kanyang koleksiyong Superstar at ST Komiks. Di ako masyadong fan ng Funny Komiks.

3. Umakyat sa puno ng siniguelas ni Lola Milagring.

4. Inggitin ang mga kalaro sa mga hininging lastiko, teks, holen, at trumpong kinumpiska ni Mama sa eskuwela.

5. Kumain ng maasim na pakbet ni Papa.

6. Mag-wonder kung bakit nagiging palihis ang direksiyon ng ulan kapag umaandar ang sinasakyan, gayong sasakyan lang naman ang umaandar.

7. Maglaro ng landslide-landslide-an sa bunton ng buhangin kasama si Kuya.

8. Mag-enjoy sa bagyo at magbilang ng mga poste ng kuryente at punong nabuwal.

9. Manghuli ng talangka sa ilog.

10. Mag-compute ng sariling grade vs grade ng kakompetisyon noong nasa elementarya.


Wawa Pala, Ha

December 8, 2008

 

 

‘Pag tinatanong ako kung ano’ng childhood moment ang hinding-hindi ko malilimutan, lagi kong sinasabi ‘yong araw na nag-roaring rampage of revenge ako a la “Kill Bill.”
Ganito’ng nangyari:
May nakaaway akong kalaro. Bida-bidahan kasi ako dati. Kelangan, ako lagi ang star ‘pag naglalaro kami. Kelangan, ako ang lider. Ako ang nagdidikta kung ano ang lalaruin, kung sino ang bida’t kontrabida, kung sino ang mamamatay kunwari, kung sino ang bati namin, at kung sino ang hindi.
E, biglang nagrebelde ang mga kalaro ko. Napuno na yata sa kasusunod sa mga utos ko. Sabi nila, di na raw nila ako bati.
Pinagkaisahan ako.  Parang kudeta.
‘Pag sinabing “di ka namin bati”, ay, seryoso talaga ‘yan. Kahit mga bata pa ang nagsabi. ‘Pag sinabihan ka ng ganyan, outcast ka. Di ka puwedeng sumali sa mga laro, sumama sa mga lakad, pumunta sa bahay o bakuran ng mga kalaro.
In other words, blacklisted ka.
E, ang mga bata, umiikot ang mundo sa mga kalaro at sa paglalaro. Imagine na lang kung ga’no kahirap para sa akin ang mapagsabihan ng “di ka na namin bati.”
Pero ang mga bata, gagawa at gagawa ng paraan para mapalapit uli sa mga nakaaway/inaway na kalaro. Kahit ilang beses na nila akong takbuhan, kahit maiyak na ako ‘pag naiiwan sa takbuhan dahil “ang mahuli, may tae sa puwet”, lagi pa rin akong bumubuntot sa kanila. Kahit na iniinggit nila ako sa paglalaro ng agawan base o sa pagkain ng santol na ninakaw nila sa bakuran ni Nana Milagring, ayos lang. Basta, kelangang maging bati na uli nila ako.
Pero ang lahat ay may hangganan. Kahit ang bata, napupuno rin. At kung maghiganti, umasa kang HIGANTI talaga.
No’ng mapikon ako sa away namin ng pinsan kong si PJ, binuhusan ko ng buhangin ang loob ng bahay nila. Isa pang pinsan, si Kuya Ontong, inasar ako nang inasar. Siyempre, di ako patatalo. Tinulisan ko ang mga kuko ko at kinalmot siya sa leeg. Si Irma, ‘yong kaklase ko, itinago ko ang sapatos dahil tinalo ako sa tumbang preso. Ayun, sinampal ako ng ate niya.
E, di napuno ako. Ayaw kasi akong paakyatin sa puno ng santol ng mga kalaro ko. Mahilig kasi ako sa santol. Wala sa akin ang ngilo-ngilo ‘pag kumakain na ng santol. Pati nga buto, nilulunon ko rin. Kaya hirap ako minsan sa pagtae.
Sinubukan kong umakyat ng puno, pero binato nila ako ng buto ng santol sabay asar ng: “Huhuhu. Wawa naman ang bata. Iiyak na ang bata.” E, ayaw na ayaw kong ginagano’n ako. Pinagbababato ko rin sila. Pero magaling silang umiwas. Mga expert ba naman sa larong touch ball.
“Waaaa. Ang bata, duling.”
Duling  pala, ha.
Pinuntahan ko ang tae ng kalabaw na nilaro ko bago sila nagsiakyatan sa puno. Sariwang-sariwa pa. May mga nakatusok na tingting. Kunwari, mga kandila. Kumuha ako ng kahoy at sinandok ang tae. Pinahid ko ito sa pinaka-katawan ng puno ng santol. Para akong nagpintura ng poste ng kuryente.
Umusok ang ilong sa galit ng mga kalaro ko. Tawa ako nang tawa. Kawawa pala, ha?
“Si Nana Milagring!”
Tarantang nagsibabaan ang mga kalaro ko. Takot na mahuli at mapalo ng may pagka-BellaFlores na si Nana Milagring. Ang iba’y tumalon na lang mula sa pinakamababang sanga ng puno para di mapahiran ng tae ng kalabaw. Ang ibang di kayang tumalon, no choice sila, dumausdos sila sa katawan ng puno. Umiyak ang ilan dahil sa takot sa matanda at dahil sa taeng kumapit sa katawan nila.
Ilang araw lang, back to normal na uli. Naibalik sa puwesto ang kinudetang lider. Di na uli nila ako sinabihan ng “di ka na namin bati.” Takot lang nila.