Home, Sweet Home!

October 29, 2011

Pagkatapos ng di-mabilang na pagdadahilan (nahulog sa hagdan ng footbridge sa SM North nang habulin ang nang-snatch ng wallet, na-food poison matapos kumain sa isang karinderya malapit sa Quezon City Hall, inatake ng migraine, tinrangkaso, sumakit ang ngipin, etc., etc.), sa wakas, natuloy na rin ang pag-uwi ko sa Isabela.

Napakanta ako ng ”Bahay Kubo” nang makita kung ano ang niluto ng nanay ko. Yum! Define SARIWA.

Ang project ng beloved nanay ko para sa akin: More fruits and vegetables para mabawasan ang timbang ko. E, lumobo kasi ang katawan ko tenfold kaya kelangan nang fumitness. Hirap na akong magsintas ng sapatos.

Home, sweet home!


Super!

October 28, 2011

Hindi talaga designed ang katawan ko sa paggala sa mga mall. Pansin ko, ang bilis kong mapagod sa loob. E, ito nga, kagagaling lang sa SM North. Super sale daw, e ang mamahal pa rin naman. Not to mention ang mga defect. Ayun, sumakit ng ulo ko at namintig ang mga binti ko. Super baldado ako pagkauwi ko. Ewan, di lang siguro kami compatible ng mga mall.

SM North Edsa Sale

Pansin ko rin, sumusungit ako ‘pag nagmo-malling. Siguro dahil sa super stress. Marami kang kelangang bilhin, pero di mo mabili dahil super mahal ng presyo. Discount daw, pero di naman talaga discount. O ‘yung tipong tinatakam ka ng kung anek-anek na naka-display. Tapos, magwa-wonder ka, bakit ang iba, nagkakasya na lang sa pagwi-window shopping samantalang ang iba’y walang habas sa pagbili ng ganito’t ganyan. ‘Yung iba naman, wala na ngang pera, nangungutang na nga lang, super bili pa rin.

A, kung makapangondisyon nga naman ang mga kapitalista. Super!


Isang halimbawa ng baluktot na pananaw sa kabaklaan sa Pilipinas

October 24, 2011

Mula sa status ng isang friend (na hindi naman talaga friend dahil di naman talaga kami magkakilala) sa Facebook:

Malinaw sa status message at comments na may pagkakahati-hati pa rin: machong bakla – baklang bakla, poging bakla – pangit na bakla, mayamang bakla – mahirap na bakla. Delikado ang mga ganitong iresponsableng pahayag. Mapanghati. Hindi mapagpalaya. At kelangan yatang rebyuhin ng “kaibigan” ko ang naging papel ng mga babaylan sa kutura at kasaysayan ng Pilipinas.


Sige, Sige, E-cigarette

October 24, 2011

Hirap akong lumunok kanina. Para akong umiinom ng tubig na may halong pinulbos na bote. Pa’no, nasobrahan na naman ako sa yosi. Kaya ayun, ceasefire na muna sa pagsuba.

Magsasampung taon na rin pala akong nagyoyosi. Nagsimula sa paisa-isa, padala-dalawa, hanggang sa kalahating kaha sa isang araw. Sabi ko, ayos lang ‘yan, marami pang mas adik sa akin. ‘Yung iba nga, mahigit sa isang kaha ang sinusuba sa isang araw. Hindi pa naman ganun kadilaw ang ngipin ko tulad ng maraming British at wala pa namang hinihimatay sa mga kalaplapan ko.

Pero ramdam kong unti-unti nang natutunaw ang baga ko. E, ayaw ko namang mapabilang sa statistics. Sabi kasi sa mga balita, 9 out of 10 smokers sa Pilipinas ang namamatay sa lung cancer. Dati, kinikebs ko lang ang ganitong balita. ‘Yong iba nga, di naman nagyoyosi, pero namamatay pa rin nang maaga – mga motoristang napipisat sa Commonwealth, mga binatang nagi-gripuhan sa Pasay Rotonda, mga aleng nababagsakan ng poste, mga politikong inaatake sa puso habang nagbibilang ng kickback. Pana-panahon lang ‘yan, sabi ko.

Pero ayoko palang mamatay sa lung cancer. Di glamoroso.

Kaya starting next week (oo, next week pa!), sisikapin (oo, “susubukan”!) ko nang mag-quit. Ang solusyon (hopefully!): electronic cigarette.

E-cigarette photo from Tobacco Reviews 

Ang press release, “Using the electronic cigarette will allow you to instantly to stop poring over 400,000 chemicals into your body with each new breath. It contains none of the tar and none of the carcinogens that damage your lungs, your body and the people around you.” Ilan pang benefits: walang amoy, walang apoy,  walang usok, konting nicotine (konti lang). May flavor pa! Masarap ang caramel flavor. Di ko pa natitikman ang bacon flavor.

Promising.

But wait, wait, wait! Di pa malinaw kung ano talaga ang health benefits ng e-cigarette. Actually, banned ito sa Canada, Brazil, Thailand, Hong Kong, at Saudi Arabia. Wala pang conclusive finding kung safe ba talaga ang e-cigarette.

So, ano na?

Try ko lang. Pero sana, matanggal ko na ang habit, soon.


Attack of the Killer Papers

October 15, 2011

Isang emotional roller coaster ang pagche-check ng mga papel. Nakakaiyak na nakakatawa ang mga confused na pangungusap at talata. Nakakabungal sa gigil ang mga papel na pa-impress. Nakakawala ng gana ang papel na gawa ng isang tamad, lalo na kung copy-paste (hindi biro ang maging plagiarism detective). Nakakapanghinayang ang mga paasang papel – mahusay sa simula, pero walang sinasabi sa huli. Ibang usapin pa ang pagko-comment para mapahusay ang bawat papel. Maraming guro ang nawawalan ng social life dahil dito. Ang ilan ay nako-coma sa bigat ng gawain.

Killer papers sa sofa

Killer papers sa kuwarto

Killer papers sa store room

Killer papers sa dining table